Isa sa mga pagkakataon kung saan lalong nahahayag ang pagkakaisa ng Iglesia ni Cristo ay sa panahon ng halalan. Ang mga kaanib ng Iglesia ay bumuboto dahil ang pagboto ay batas ng pamahalaan para sa lahat ng mamamayan.
Sumunod sa batas ng pamahalaan
1 Pedro 2:13-14 ""KAYO'Y PASAKOP SA BAWAT PALATUNTUNAN NG TAO ALANG ALANG SA PANGINOON: maging sa hari, na kataastaasan; o sa mga gobernador, na sinugo niya sa paghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.""
Ang mga kaanib ng Iglesia bilang mamamayan ay sumusunod sa bawat palatuntunan ng tao o sa batas ng pamahalaan sapagkat ang pagsalangsang sa batas at may kapangyarihan ay ibinibilang na kasalanan sa Diyos dahil ang kapangyarihang yaon ay mula sa Dios.
Roma 13:1-2 ""Ang bawa’t kaluluwa ay PASAKOP SA MATATAAS NA KAPANGYARIHAN: SAPAGKA’T WALANG KAPANGYARIHAN NA HINDI MULA SA DIOS; at ANG MGA KAPANGYARIHANG YAO’Y HINIRANG NG DIOS. Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.""
Ayon sa ating Panginoong Jesucristo
Mateo 22:21 ""Sinabi nila sa kaniya, kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, kaya't IBIGAY NINYO KAY CESAR ANG SA KAY CESAR; at SA DIOS ANG SA DIOS.""
Ang tinutukoy na Cesar ay ang pamahalaan. Utos ni Cristo na ibigay sa Dios ang sa Dios, kay Cesar o sa pamahalaan ang sa pamahalaan. Batas ng bansa ang MAGHALAL NG PINUNO sa bayan kaya't isinasagawa ito ng mga Iglesia ni Cristo hindi lamang dahil sa gobyerno kundi dahil sa ito ay utos din ni Cristo.
Ang bahagi ng Dios sa gawaing pagboto
Colosas 3:17 ""At ANOMANG INYONG GINAGAWA, sa salita, o sa gawa, GAWIN NINYONG LAHAT SA PANGALAN NG PANGINOONG JESUS, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan Niya.""
Maliwanag sa talata na ANUMANG sasalitain o gagawin ng mga Iglesia ni Cristo ay ginagawa sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ang pagboto ay dapat gawin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. At anomang ating gagawin ay dapat gawin sa ikaluluwalhati ng Dios. Naluluwalhati ang Dios kapag ginaganap natin ang ipinagagawa Niya.
1 Corinto 10:31 ""Kaya kung kayo'y nagsisikain man,o nagsisiinom man o ANOMAN ANG INYONG GINAGAWA, GAWIN NINYO ANG LAHAT SA IKALULUWALHATI NG DIOS.""
Juan 17:4 ""NILUWALHATI KITA sa lupa, PAGKAGANAP KO NG GAWA NA IPINAGAWA MO SA AKIN.""
Ang pagsunod sa batas ng pamahalaan, isa na dito ang pagboto, ay utos na Dios na kung ating gaganapin o susundin ay naluluwalhati ang Dios.
Sa nakaraang dalawang posts ay napagalaman natin na mahalaga ang pagkakaisa ng Iglesia dahil sa ito ay utos ng Dios. Sa panahon ng halalan ay mas nahahayag ang kaisahang ito ng Iglesia. Ngunit tinutuligsa ng ilan ang kaisahang ito sapagkat ang pagkakaisa daw ng Iglesia ay sa espirituwal lamang at hindi pati rin sa isyung pulitikal. Bakit ba nagkakaisa ang Iglesia maging hanggang sa pagboto?
Filipos 2:2-3 ""Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y MANGAGKAISA NG PAG-IISIP, mangagtaglay ng isa ring pag-ibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pag-iisip; Na HUWAG NINYONG GAWIN ANG ANOMAN SA PAMAMAGITAN NG PAGKAKAMPI-KAMPI o sa pamamagitan ng pagpapalo, kundi sa kababaan ng pag-iisip, na ipalagay ng bawat isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili.""
Nagkakaisa ang Iglesia maging sa pagboto dahil ayon sa talata huwag dapat GAWIN ANG ANOMAN sa pamamagitan ng pagkakampi-kampi.
Ang pagboto
Vote- "".....expression of Judgement...""
(Pagboto- "".....isang pagpapahayag ng paghatol..."")
(Webster's New International Dictionary)
Ayon sa mga apostol kung ginagawa natin ang paghatol ay dapat mangagkaisa ng lubos.
1 Corinto 1:10 "" Subalit ipinamamanhik ko sa inyong lahat, mga kapatid, na alang-alang sa ating Panginoong JesuCristo ay mangagkaisa kayong lahat sa inyong sinasalita, at huwag ninyong itulot na magkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna ninyo, kundi MAGKAISA KAYONG LUBOS SA PAG-IISIP AT PAGHATOL.""
Ang pagboto ay paghatol kaya dapat magkaisa sa pagboto. Ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay hindi nagkakabahabahagi o nagkakanyakanya sa pagpili ng kandidato sapagkat masisira ang pagkakaisa ng Iglesia kung may ganito.
Ang nagpapasiya: Ang Tagapamahalang Pangkalahatan
Gawa 15:1-2 ""At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas. At nang magkaroon, si Pablo at Bernabe ng DI KAKAUNTING PAGTATALO at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito.""
Mapapansing nagkaroon ng pagtatalo sa mga kaanib sa Iglesia noon. kaya upang masolusyonan ang suliranin nila ay nagtungo sila sa Jerusalem, sa kinaroroonan ng Pamamahala. Ang punto dito ay hindi ukol sa pagtutuli kundi ang punto ay kung sino ang dapat magpasya upang hindi magkaroon ng pagkakabahabahagi. Nang matapos nilang ihayag ang kani-kaniyang panig ay isa lamang ang nagpasiya upang masolusyunan ang suliranin nila.
Gawa 15:19 ""Dahil dito'y ANG HATOL KO, ay huwag nating gambalain yong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios.""
Ayon sa talata isa lamang ang naghatol o nagpasiya (...ang hatol KO...). Siya ay si Santiago na siyang TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN ng Iglesia noon.
Gawa 15:13 ""At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si SANTIAGO, na sinasabi, Mga kapatid, PAKINGGAN NINYO AKO.""
Ang pagpapasiya ng Tagapamahalang Pangkalahatan na inilagay ng Ama sa Iglesia ay hindi sariling kapasiyahan lamang kundi may katangiang galing sa Dios.
Gawa 15:28 ""Sapagka't MINAGALING NG ESPIRITU, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin sa mga bagay na ito na kinaikalangan.""
Magpasakop sa Namamahala
Ang pagpapasiya ng namamahala sa Iglesia ay minagaling o kinakasihan ng Espiritu Santo kaya marapat lamang na ito ay sundin. Itinuro naman sa atin ng Biblia na dapat magpasakop tayo at gumalang sa Pamamahala upang manguna at mangasiwa sa atin para sa atin ding ikabubuti.
Hebrews 13:17 ""SUNDIN NINYO ANG MGA NANGANGASIWA SA INYO, at PASAKOP KAYO SA KANILANG PAMAMAHALA. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod nila; ito'y sa ikabubuti rin ninyo.""